Babala sa modus ng child traffickers sa mga parke, inilabas

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 08:08 PM

Nagduda ang 12 anyos na si alyas "Zeejay" nang minsang lapitan siya ng hindi kilalang lalaki habang namamasyal silang magkakaibigan noon sa Rizal Park.

"Beh, ang ganda mo naman. Gusto mong mag-model ng clothing namin?" sabi ni "Zeejay," na ikinikuwento ang umano ay alok sa kaniya ng nakasalamuhang lalaki.

Subalit hindi raw siya sumama rito dahil sa pagdududa.

"Kinabahan din po. Baka po kasi saan din po kami dalhin," aniya.

Kasabay ng pagdiriwang ng National Children's Month ngayong Huwebes, nagbabala rin ang National Parks Development Committee (NPDC) sa modus ng mga child trafficker sa mga parke. Ang NPDC ang nangangasiwa sa mga pambansang parke sa bansa, gaya ng Rizal Park (Luneta), Paco Park, Pook ni Maria Makiling, at Burnham Park.

"They will offer na, 'yong mga nego-negosyo, tapos biglang nawala iyong bata," sabi ni NPDC Executive Director Penelope Belmonte.

Inilunsad din ngayong Huwebes ng NPDC ang kanilang kampanyang "No To Child Prostitution."

Sa tala ng NPDC ngayong 2018, aabot sa 80 ang naitalang mga batang palaboy sa Rizal Park tuwing gabi. 

Nasa 23 naman ang mga batang babae ang nasagip na hinihinalang biktima ng child prostitution.

Tiniyak naman ng NPDC na 24/7 na ang seguridad at CCTV camera sa mga parke.

Ipinapayo nila sa mga kabataan na huwag basta-basta makikipag-usap o maniniwala sa kahit anong inaalok ng mga hindi kilalang tao.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.