ALAMIN: Ano ang epekto ng port congestion?

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 02:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsasagawa ngayon ng "truck holiday" ang ilang grupo bilang protesta sa inirereklamo nilang congestion sa Manila port at sa phaseout daw ng mga lumang truck.

Pero ano nga ba ang posibleng epekto ng port congestion at bakit ito ipinoprotesta ng mga trucker?

Sa "Usapang De Campanilla" nitong Miyerkoles, sinabi ni Bureau of Customs (BOC) spokesman Atty. Dino Austria na mahihirapang igalaw ang shipping container sa mga yarda kapag may congestion, na magreresulta ng matinding trapiko at pagkaantala sa mga delivery.

"Masyadong mataas ang utilization ng ating yarda, nahihirapan tayong igalaw ang containers at nagkakaroon ng delay tayong ilabas [ang mga kargamento]," aniya.

Dagdag ni Austria na posibleng magdulot pa ito ng dagdag-presyo sa mga inaangkat.

Ugat rin daw ito ng "tara" system o pagbabayad ng mga smuggler ng tinatawag na "grease money" para ipuslit ng Customs ang kanilang mga karagamento sa mas mabilis na panahon.

Giit ni Austria na mariing iniiwasan ng ahensiya ang pagkakaroon ng port congestion.

Depensa niya, mayroon lang antala sa kanila kapag hindi kumpleto ang papeles na ibinibigay ng mga nag-aangkat.

Nanawagan naman ang BOC na makipagpulong ang mga lumalahok sa truck holiday para masolusyonan ang pangambang magkaroon muli ng port congestion sa Maynila.

"BOC is there with our partner agencies para holistic 'yung approach natin... 'Yung pakiusap namin ng BOC ay let's go back to the table and discuss solutions," aniya.

PAPEL NG MILITAR SA CUSTOMS

Klinaro naman ni Austria na wala sa kontrol ng militar ang mga operasyon ng BOC at humingi lamang sila ng tulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para "bantayan" ang mga kargamentong darating sa Pilipinas.

"The BOC does not have naval assets as of now so maganda ang ugnayan natin with the Armed Forces of the Philippines, nagagamit natin ang assets nila, pati ng Coast Guard," aniya.

Giit ni Austria na pasok ito sa Customs Modernization and Tariff Act kung saan pinapayagang gamitin ang militar para magawa ng BOC ang kanilang mandato.

"The Commissioner may [also] deputize other law enforcement officers in carrying out its mandate," paliwanag ni Austria.

Normal pa rin daw ang operasyon ng ahensiya kahit man may militar na nagbabantay sa mga kargamento, dagdag ni Austria.

Nitong Oktubre itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang retired general at dating AFP chief na si Rey Leonardo Guerrero bilang bagong pinuno ng Customs.

Sinabi rin ni Duterte na magkakaroon ng "military takeover" sa ahensya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.