Warehouse ng mga pagkain at inumin sa Laguna, nasunog

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 02:33 AM

LAGUNA—Isang warehouse ng mga pagkain at inumin ang tinupok ng apoy sa Barangay San Roque, San Pablo City Martes ng gabi.

Walang naitalang nasugatan sa sunog na sumiklab pasado alas-7 ng gabi, ayon sa Bureau of Fire Protection ng siyudad.

Umabot ang sunog sa third alarm kaya kinailangang rumesponde ang mga katabing-bayan ng Sto. Tomas sa Batangas, Los Baños, at iba pa.

Ayon kay Senior Insp. Melchor Isidro, fire marshal ng San Pablo City, nahirapan silang maapula agad ang sunog dahil sa dami ng mga flammable materials sa loob ng warehouse.

"Base sa aking karanasan, kapag ganitong klase ng sunog, medyo natatagalan kasi nakita niyo naman, lagpas tao iyong mga patong patong na mga plastic na bagay," aniya.

Ayon naman kay Trece Deogracias, barangay captain ng San Roque, nakahanda silang tulungan kung may mga apektadong residente.

Sa ngayon, iniimbestigahan pa ng BFP ang halaga ng natupok at sanhi ng sunog.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.