Umento sa 1.2 milyong empleyado ng gobyerno, makukuha sa 2018

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 07:17 PM | Updated as of Nov 22 2017 07:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinatayang 1.2 milyong empleyado ng gobyerno ang magkakaroon ng umento sa sahod pagpasok ng 2018 kasabay ng pagpapatupad ng ikatlong bahagi o third tranche ng Salary Standardization Law (SSL).

Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, naglaan ang gobyerno ng P24 bilyon para sa dagdag-suweldo na saklaw ang lahat ng manggagawa sa tatlong sangay ng pamahalaan--ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura.

Sa bisa nito, mahigit P70,000 ang madaragdag sa suweldo ni Pangulong Rodrigo Duterte, simula sa Enero 2018.

Mula sa kasalukuyang P215,804 na buwanang sweldo, magiging P289,401 pesos na ang sahod ng pangulo.

“Government workers, aside from the increased basic salary, will continue to receive standard allowances and benefits, such as a mid-year and a year-end bonus, each equal to one month basic salary, cash gift and the productivity enhancement incentive,” ani Diokno.

("Bukod sa pagtaas sa batayang sahod, patuloy na makatatanggap ng allowances at iba pang benepisyo tulad ng mga bonus, cash gift, at incentive ang mga manggagawa ng gobyerno.")

Ito ang ikatlong bahagi ng SSL na pinirmahan ni dating Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III noong 2015.

Ang pangulo, na nasa salary grade 33 na pinakamataas na salary grade sa mga manggagawa sa gobyerno, ay tatanggap ng pinakamataas ding umento na katumbas ng 34.1%.

Bukod sa pangulo, makatatanggap din ng dagdag sa suweldo ang mga manggagawa mula sa salary grade 1 hanggang salary grade 32.

Kasama rin sa madadagdagan ng sahod ang mga nagtatrabaho sa state universities at colleges, mga empleyado ng government-owned and controlled corporations, mga manggagawa sa lokal na pamahalaan, at mga barangay personnel na tumatanggap ng monthly honoraria.

Samantala, inaasahan namang pipirmahan din, bago mag-2018, ang joint resolution na nagtatakda ng umento sa sahod ng mga sundalo at iba pang "men in uniform."

Ayon kay Diokno, layunin ng resolusyong itaas ang sahod ng lahat ng military personnel sa ilalim ng Department of National Defense, gayundin ang mga nasa ilalim ng Department of Interior and Local Government, Philippine Coast Guard, at National Mapping and Resource Information Authority.

Dagdag ng kalihim, mayroon nang P40 bilyong pondo ang gobyerno para sa inaasahang P60 bilyong pondong kakailanganin kapag inaprubahan ang resolusyon.

-- Ulat nina Dexter Ganibe at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.