7 lalaki, arestado sa raid ng isang spa sa Makati City

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 08:09 AM

Huli ang 7 lalaki sa ikinasang raid sa isang spa sa Makati City na nagbibigay umano ng extra service sa mga customer.

Ayon sa impormasyon na nakuha ng Makati police, dumulog sa kanilang opisina ang isang asset hinggil sa ginagawa umanong pagbebenta ng katawan ng mga lalaking masahista.

Isang police asset ang nagbayad ng P1,699 para sa serbisyo na tinatawag nilang "extreme."

Matapos ang transaksyon sa may-ari ay sinalakay ng Makati Police Special Operation Unit ang spa sa JP Rizal corner Antipolo St. sa Barangay Poblacion, Makati City.

Napag-alaman din ng pulisya na walang business permit ang may-ari ng spa.

Posibleng maharap ang mga nahuli sa kasong paglabag sa Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.

Posible ring makasuhan ang may-ari ng paglabag sa city ordinance na operating without business permit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.