Pagkuwestiyon sa pagpiyansa ni dating Mayor Baldo, iniakyat sa Court of Appeals

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 11:17 PM

MAYNILA - Iniakyat na ng Department of Justice sa Court of Appeals ang usapin kaugnay ng pagpayag na makapagpiyansa sa kasong murder si dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo kaugnay ng pagpatay kay AKO Bicol Rep. Rodel Batocabe.

Nauna nang pinayagan ng Legazpi City Regional Trial Court (RTC) Branch 10 na makapagpiyansa si Baldo.

Kasunod na rin ito ng pagbasura ni Judge Maria Theresa San Juan Loquillano sa inihain na apela sa naunang desisyon na payagang makapagpiyansa si Baldo.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, naghain na sila ng petition for certiorari sa appellate court para kuwestiyunin ang naging pasya ni Loquillano pabor kay Baldo.

Disyembre 22, 2018 nang barilin si Batocabe habang namamahagi ng pamasko sa mga nakatatandang residente ng Daraga.

Mayo nitong 2019 nang sumuko sa awtoridad si Baldo, habang Agosto 29 naman nang magpasya si Loquillano na payagang makapagpiyansa si Baldo.

Nakalaya si Baldo noong Setyembre 4 matapos magbayad ng P8.7 million na piyansa pero nakalabas lang ng piitan makalipas ang 5 araw.