Empleyado sa airport nagbalik ng napulot na P239,000

Raoul Esperas

Posted at Nov 21 2019 05:14 PM | Updated as of Nov 21 2019 05:28 PM

MAYNILA- Isang empleyado sa Ninoy Aquino International Airport ang nagbalik ng sobreng may $4,700 (P239,079) nitong Huwebes ng hapon.

Binalik ni Emiline Herrera, isang food server sa Terminal 1 ang sobre sa kahera matapos niyang mapagkamalang basura ito.

"Akala ko po kalat lang siya pero nang pulutin ko, nakita ko na may laman na maraming dolyar sa loob," aniya.

Isang babaeng pasahero umano ang may-ari ng sobre ayon sa paunang impormasyon mula sa lost and found section ng paliparan.

Halos 3 dekada na umanong nagtatrabaho bilang food server si Herrera at sumasahod daw siya ng P18,000 kada buwan.

Sa kabila ng hindi kataasang kita, sinabi ni Herrera na hindi niya binalak itago ang sobre dahil alam niyang nag-aalala na rin ang may-ari nito.

Pinuri naman ni airport general manager Ed Monreal si Herrera para sa kaniyang katapatan at sinabing iimbitahan siya ng Manila International Airport Authority sa flag raising sa Lunes para mabigyan ng pagkilala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.