77-anyos na lola nabudol-budol; $14,000 sa bangko nalimas

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 02:54 PM | Updated as of Nov 22 2019 07:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Laking panghihinayang ng isang 77-anyos na ginang dahil ang pinag-ipunan niya ng higit 10 taon ay nawala na lang sa isang iglap dahil sa modus ng budol-budol group.

"Nagtataka ako sa sarili ko hindi naman ako napakabobo...nagpe-pray ako lagi na patawarin ko sarili ko," pahayag ng ginang na itinago sa alyas na "Goria".

Ayon kay Goria, tumagal ng halos 12-oras ang nangyaring panggagantso sa kaniya ng grupo noong Nobyembre 11 kung saan nagawang tangayin sa kanya ang $14,000 o katumbas ng higit sa P712,000, mga alahas, relo at cellphones.

"Hindi lang po 10 taon...'yun nama'y mga bigay lang ng mga anak ko na sininop-sinop ko kasi po may pangarap ako na ipagbukas ng family business ang mga anak ko kaya sininop-sinop ko," sabi niya.

Kuwento ni Goria sa programang Lingkod Kapamilya sa DZMM nitong Huwebes, kalalabas lamang niya ng bangko sa San Mateo matapos mag-deposito ng pera at naghihintay ng masasakyang tricycle pauwi nang lapitan ng umano'y mag-asawang balikbayan mula sa Canada.

"Binati ako na parang kakilalang-kakilala ako. Ako raw po ay suki nila sa manok sa palengke tapos sabi po niya sa akin sa kabutihang-palad nakapag-abroad silang mag-asawa sa Canada. 'Yung narinig ko 'yung word na Canada medyo napakuwento rin ako. Marami rin akong kamag-anak doon," sabi niya.

Inaya siya ng dalawa sa kotse habang patuloy umano ang pagkukuwento sa kaniya tungkol sa Canada. Naging interesado siya sa usapan dahil nais niya umanong papuntahin rin sa Canada ang isang anak.

"Sinakay ako sa kotse, on the way sa highway ng General Luna Street sa San Mateo trapik po. May isang babaeng kumatok sa kotse, 'yung lalaking nasa driver's side nagbukas ng bintana," sabi niya.

Humingi aniya ng tulong ang babaeng kumatok sa bintana para maghanap ng "logistics" na ipapalit sa nasiraang truck na karga ang ipinamili niyang prutas. 

Saktong kilala naman aniya ng kasama nilang lalaki ang may-ari umano ng logistics na hinahanap ng babae at nag-alok ng tulong.

"Huli ko na po narealize na lahat 'yun ay drama," sabi niya.

Ipinarada sa tabi ng kalsada ang kotse at pinasakay rin ang babae habang umalis saglit ang lalaki para puntahan ang sinasabing "logistics".

Nagdrama pa umano ang babaeng naghahanap ng truck at sinabing takot siyang bumiyahe ng may dalang milyong pera mula umano sa koleksiyon.

"Pagbalik ng lalaki may kasama nang isang lalaki. Kumpleto na 'yung lima sa kotse, kasama ako 6. Nag-travel na po kami dinala ako sa Makati," sabi niya.

Sa Makati, isa sa mga babae ang sumama sa kaniya sa loob ng bangko para i-withdraw ang lahat ng kaniyang pera.

"On the way pa Marikina, hindi ko na po alam nawala lahat 'yung hikaw ko, relo ko, singsing ko, bracelet ko, dalawa kong cellphone," nanlulumong kuwento ni Goria.

Sa taxi bay ng isang mall sa Marikina umano siya iniwan ng mga kawatan bitbit ang brown bag na laman ang budol money. Pinapaghintay pa siya sa isang restaurant sa paalam na babalikan matapos maasikaso ang truck pamalit sa nasirang behikulo.

Nagtungo siya sa restaurant pero hindi na siya binalikan pa ng mga kawatan.

Nangako naman ang pulisya na tutugisin ang mga kawatan dahil nakita naman sa CCTV ang kanilang mga mukha.

Naplakahan rin ang ginamit nilang sasakyan at nang beripikahin nalamang ang may-ari ay taga Gapan, Nueva Ecija.

Pero naibenta na umano ito ng dating may-ari at hindi na nila alam kung sino ang nakabili.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.