2 Koreano hinoldap sa Pasay; Higit P100,000 natangay

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 05:36 AM | Updated as of Nov 21 2019 06:55 PM

Basag ang bintana ng driver's side ng SUV matapos holdapin ang 2 sakay na Koreano sa Pasay City. Fred Cipres, ABS-CBN News

MAYNILA—Hinoldap ng hindi bababa sa 3 lalaki ang isang transportation network vehicle service (TNVS) sa kahabaan ng Buendia Flyover sa Pasay City Huwebes ng madaling-araw.

Basag ang mga bintana ng itim na sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ni Renato Adviento.

Kuwento ni Adviento, pinick-up niya ang 2 Koreano sa isang casino sa Parañaque City. Kinilala silang sina Jo Kyeoung Won at Kang Min Kil, mga estudyante sa Korea na parehong nagbabakasyon dito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Binabaybay nila ang northbound lane ng Roxas Boulevard at pagdating nila sa Buendia Flyover ay hinarang sila ng isang asul na sedan. 

Bumaba ang 2 salarin na may dalang martilyo. Pilit silang pinabababa habang binabasag ang mga bintana ng SUV.

Bumaba rin sa sedan ang isa pang salarin at nagpaputok ng baril. Sinisigawan umano sila ng mga ito na bumaba na ng sasakyan kung hindi ay papaputukan sila, ani Adviento.

Nagpatuloy sa pagbabasag ng salamin ang mga salarin hanggang sa tuluyang mabuksan nito ang pintuan. Kinuha ng isang salarin ang bag ng Koreano na may lamang personal na gamit at higit P100,000.

Matapos makuha ang bag ay agad na bumalik sa sedan ang mga salarin habang tumakbo palabas ng SUV ang drayber at 2 Koreano.

Nagtamo ng sugat sa braso si Adviento habang maayos naman ang kalagayan ng 2 Koreano.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.—Ulat nina Fred Cipres at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.