Motoristang nanapak, nanadyak ng taxi driver, kinasuhan

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2018 07:46 PM

Lumutang na ang taxi driver na tampok sa isang viral video kung saan siya nakitang sinapak at tinadyakan ng motoristang nakagitgitan umano niya sa kalsada sa Maynila. ABS-CBN News

Sinampahan ng kaso ngayong Miyerkoles ang motoristang nakita sa isang viral video na nanapak at nanadyak matapos umanong makagitgitan sa kalsada ang isang taxi driver. 

Sa viral video, na kuha noong Linggo, mapapanood ang pagsugod, pananapak, at pagtadyak ng isang lalaki sa taxi driver sa bahagi ng Abad Santos sa Tondo, Maynila.

Kasong slight physical injury ang isinampa ng taxi driver na si Raymond Madrigal, 60 anyos, laban sa lalaki.

Ayon kay Madrigal, ilang beses siyang sinuntok at tinadyakan ng lalaki matapos niyang makagitgitan ang itim na kotseng sinasakyan nito.

"Noong naunahan ko siya, bigla pong binalagbag 'yong kotse niya doon sa harapan ng taxi ko," ani Madrigal.

Hindi pa raw nakontento ang lalaki at sinubukan pang hilahin palabas ng taxi si Madrigal, kuwento ng driver, na may sakit na polio.

"Hindi ako nagpakaladkad. Humawak ako sa manibela," ani Madrigal.

Nanawagan naman ang Manila Police District sa inirereklamong lalaki na lumantad para magbigay ng panig.

Hindi naman naiwasan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Aileen Lizada na makaramdam ng awa sa matandang driver. 

"Naalala ko 'yong lolo ko," ani Lizada.

Bineberipika ngayon ng LTFRB ang impormasyong hawak nila tungkol sa sasakyang dala ng lalaking nambugbog kay Madrigal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.