93 nais mamasukan sa Saudi, nasagip mula sa pekeng agency

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2018 07:27 PM | Updated as of Nov 21 2018 07:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasagip ang 93 nais sanang mag-overseas Filipino worker (OFW) sa isang halfway house ng isang recruitment agency na sinalakay sa rescue operation na ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI). 

Pinasok ng NBI-Bulacan ang isang gusali sa Caloocan kung saan itinira ang 93 na walang kamalay-malay na hindi lehitimo ang operasyon ng agency. 

Balak sanang maging domestic helper sa Saudi ng mga aplikante, pero natuklasan ng mga awtoridad na hindi pala accredited ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang recruitment agency nila.

"Ang POEA mismo ang nagsasabi na walang authority ang agency na magpadala," ani NBI Bulacan officer-in-charge Noel Bocaling.

Nagsumbong kasi sa NBI ang isang nakatakas na aplikante at sinabing hawak ng agency ang kanilang mga pasaporte. Pinagbabawalan din daw silang umalis sa halfway house at pati ang cellphone nila ay kinukumpiska. 
 
"Ang sabi kasi nila baka raw mabuntis o tumakas, sayang naman daw ang binayad nila para sa amin. Kaya sumusunod na lang kami," pagkumpirma ng isang nasagip.

Karamihan sa kanila ay taga-Zamboanga at ang ilan ay mahigit tatlong buwan nang naghihintay na makalipad.

Pero ayon sa caretaker ng bahay, nasa opisina lang daw ang pasaporte ng mga aplikante at hindi rin daw sila kinukulong.

"Kino-control lang namin sila. Kasi tumatakas, paano naman 'yung ginastos namin sa kanila," depensa ni Flor Dalo. 

Nahaharap sa kasong human trafficking ang dalawang caretaker. 

Dadalhin muna sa NBI headquarters ang mga na-rescue para suriin kung may menor de edad sa kanila. —Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.