23 pamilya sa Victorias City, inilikas dahil sa pagbaha

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2018 09:33 PM | Updated as of Nov 21 2018 10:18 PM

VICTORIAS CITY - Dalawampu't tatlong pamilya mula sa lungsod na ito ang inilikas Miyerkoles ng umaga dahil sa baha.

Umabot hanggang dibdib ang baha sa Green Village at Hacienda Basa sa Barangay 13 nang bumuhos ang ulan dala ng bagyong Samuel.

Ayon kay Rodolfo Retirado, hepe ng City Disaster Risk Reduction Management Office, nahirapan sila sa rescue operation dahil sa makitid na mga daan patungo sa mga bahay ng apektado.

Kasalukuyang nasa evacuation center ng barangay ang mga apektadong residente.

Nakatanggap na sila ng relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Inaasahang makababalik rin ang inilikas na pamilya sa kanilang mga bahay Huwebes ng umaga.

Bukod sa Victorias City, may isinagawa ring pre-emptive evacuation sa mga flood-prone barangays sa Bago City at Silay City. Agad namang nakabalik sa kanilang mga bahay ang mga inilikas sa mga luga na ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.