Nasa 400 kaso ng child labor sa western Pangasinan iniimbestigahan ng DOLE

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 07:17 PM


MABINI, Pangasinan — Iniimbestigahan ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang dumaraming kaso ng child labor sa probinsiya. 

Sa huling tala ng DOLE-Western Pangasinan, aabot na sa 400 child labor cases ang nakabinbin sa kanilang tanggapan at kasalukuyang iniimbestigahan. 

"Meron tayong enumerators at community facilitators na umiikot sa local government units para ma-identify ang mga child laborers," ani Rhoda Dingle, officer in charge sa naturang sangay ng DOLE. 

Sabi pa ni Dingle, karamihan sa mga batang kumakayod ay hindi na nakakapag-aral. 

Ang tatay na si alyas "Rene," aminadong napilitang pagtrabahuhin ang 13 anyos na anak sa isang quarrying sa kanilang barangay para makatulong sa gastusin sa bahay.

Kulang daw kasi ang P1,000 kada linggong kinikita ni Rene sa pagiging basurero kaya kailangan niyang pagtrabahuhin ang binata.

"Masakit sa akin po iyon na nagtatrabaho iyong anak ko, hindi po kasi kumakasya [ang kita ko]," sabi ni Rene.

 DATOS

Base sa datos mula sa Philippine Statistics Authority noong 2011, lumalabas na umaabot ng 3.3 milyong mga bata na edad 5 hanggang 17 ang biktima ng child labor sa bansa.

Ito ay kahit pa may batas na nagbabawal nito: ang Republic Act 9231 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Maaaring magsumbong sa DOLE o pulisya kapag nakakita ng ano mang kaso ng child labor. 

--Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.