Nanay na bumili ng cellphone para sa anak gamit ang inipong barya, nag-viral

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 04:58 PM | Updated as of Nov 20 2019 09:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong Sabado, nagtungo ang ina na si Vilma Jayme sa isang cellphone shop sa Lapu-lapu City, Cebu para bilhan ng regalo ang kaniyang 16 taong gulang na anak na babae dahil sa pagiging honor student nito.

Pero sa halip na cash o credit card ang gamitin, mga naipong barya ang ipinambayad ni Vilma sa cellphone.

Isang staff ng cellphone shop ang kumuha ng retrato ni Vilma na nagbabayad gamit ang mga barya at nag-post nito sa Facebook.

Maraming netizen ang naantig sa kuwento ni Vilma dahilan para mag-viral ang post.

Ayon kay Vilma, hindi siya makapaniwalang naging viral siya sa Facebook.

Nagkakahalaga umanong P3,999 ang second-hand na cellphone at ang perang ipinambayad ay galing pa raw sa alkansiya ng mister ni Vilma na nagtatrabaho sa vulcanizing shop.

Ayon naman kay Felix, unti-unti niyang inipon ang perang pambili ng cellphone mula sa sobrang baon.

Nasa P50 hanggang P100 ang iniipon ni Felix kada araw sa loob ng isang buwan para sa cellphone.

Naawa raw siya sa kaniyang anak na walang cellphone at walang magamit para sa pag-aaral nito.

Iginiit ng mag-asawa na materyal na bagay man ang kanilang ibinigay sa anak, simpleng bagay lang ito para maipakita ang kanilang pagmamahal sa kaniya.

Umaasa rin ang mag-asawa na lalo pang pagbubutihin ng kanilang anak ang pag-aaral para matupad nito ang pangarap na maging negosyante.

-- Ulat ni Jude Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.