Mga pamilya, lumikas dulot ng banta ng landslide at bitak sa lupa sa Sarangani

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 08:28 PM

Kuha ng MGB-12

ALABEL, Sarangani—Nasa 60 pamilya sa Barangay Pagasa sa bayang ito ang lumikas mula sa kanilang mga tirahan matapos makitaan ng tension cracks o bitak sa lupa sa kanilang lugar nitong Miyerkoles.

Sa ginawang inspeksyon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region 12, nasa 60 ektarya ang lawak na maaaring gumuho.

Ang mga bitak ay resulta ng magkakasunod na malalakas na lindol sa Mindanao nitong Oktubre.

"It is being aggravated by water po kasi meron pong mga creeks doon Ma'am na nahubas or natuyo. So definitely, those water, papunta siya sa baba and then it softens the material sa ilalim, kaya sige-sige po ang pagbaba sa lupa and then it created tension cracks," panayam ni Ariel Acosta, supervising geologist ng MGB-12, sa ABS-CBN News.

Landslide-prone area rin umano ang buong Pagasa kaya itinuturing na itong danger zone.

Pansamantalang nakatira sa kalapit na mga lugar ang mga apektadong residente habang naghahanap pa ng relocation site ang lokal na pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.