Mga nagpapabakuna kontra polio sa Bureau of Quarantine dumami

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 06:35 PM | Updated as of Nov 20 2019 08:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumami ang bilang ng mga taong pupunta sa ibang bansa at nagtutungo sa Bureau of Quarantine (BOQ) para makakuha ng sertipikong nagpapatunay na sila ay nabakunahan ng kontra polio.

Sa loob ng 2 linggo, kapansin-pansin ang pagsirit ng bilang ng mga pumupunta sa BOQ para magpabakuna at kumuha ng International Certificate of Vaccination (ICV), ayon kay Dr. Michael Sherwin Evangelista, medical officer sa BOQ.

Pumalo sa higit 2,000 ang nabakunahan ng BOQ sa tanggapan nito sa Maynila noong Lunes at Martes.

Tingin ni Evangelista ay magtatagal pa ang ganoong situwasyon.

Karaniwang mas maraming nagpapabakunang seaman sa BOQ para sa yellow fever pero kinailangan muna itong ilipat sa ibang opisina para magbigay daan sa mga magpapabakuna laban sa polio.

Una nang naiulat na ilang bansa ang nagre-require na mabakunahan ang mga tao mula sa mga bansang may polio na bibisita sa kanila.

Pero nilinaw ng World Health Organization na rekomendasyon lang ang kanilang binibigay sa mga bansa pagdating sa pag-require ng bakuna.

Ipinayo ni Evangelista sa mga aalis ng bansa na tingnan kung nagre-require ng ICV ang mga bansang pupuntahan.

Patuloy naman ang pagpapaalala ng Department of Health sa mga magulang na pabakunahan ang mga batang may edad 5 taong gulang pababa.

Magsasagawa ang DOH panibagong sabayang polio vaccination sa Mindanao at Metro Manila simula Nobyembre 22 hanggang Disyembre 5.

Inanunsiyo rin ngayong Miyerkoles ng DOH na nakapagtala ito ng 3 bagong kaso ng polio, na nangangahulugang 7 na ang mga pasyente ng polio sa Pilipinas simula noong Setyembre.

Iniulat ng DOH noong Setyembre ang unang kaso ng polio sa Pilipinas, 19 taon mula nang ideklara ng World Health Organization na "polio-free" ang bansa.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.