Lalaking ‘nanlaban’ sa Maguindanao, nakuhanan ng P3-M halaga ng ‘shabu’

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 08:33 PM | Updated as of Nov 20 2019 09:34 PM

DATU ODIN SINSUAT, Maguindanao—Patay ang isang drug suspect nang manlaban sa pulisya sa isang operasyon kontra droga sa Barangay Makir sa bayang ito Martes ng hapon.

Dead on arrival sa ospital ang suspek na si alyas "Dats" matapos umanong manlaban sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Ayon kay PDEA-Bangsamoro Autonomous Region director Juvenal Azurin, nakatakas ang dalawang kasama ni Dats na nakilala lang sa mga alyas na "Ryan" at "Sarip."

Ayon sa kapitan ng Barangay Makir, hindi umano residente ng lugar ang napatay na lalaki.

Nakuha mula sa operasyon ang 10 pakete ng pinaniniwalaang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P3 milyon at isang baril.

Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa Republc Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nakatakas na suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.