Katayan sa Tagaytay na umaalingasaw inireklamo ng mga residente

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 05:14 PM | Updated as of Nov 20 2019 08:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

TAGAYTAY CITY — Inirereklamo sa siyudad na ito ang isang slaughterhouse dahil sa mabahong amoy nito na nakakaperwisyo na umano sa mga residente. 

Malamig man ang simoy ng hangin sa Tagaytay, masangsang na amoy naman ang nalalanghap ng mga residente sa isang subdibisyon sa Barangay Kaybagal South.

"Sobrang baho, amoy patay na di mo maintindihan. Siyempre nabubulok 'yung mga bituka, dugo [ng hayop], nakakasuka talaga kaya minsan di kami [nananatili sa] bahay," hinaing ni Dolores Kuo.

"Palagi ako nagkakasakit, nagsusuka nga ako dahil sa amoy parang wala kang ganang kumain... Ang baho-baho 'yung parang may patay na tao," sabi ni Linda Montes.

Sabi ng homeowners association, matagal na nilang inirereklamo ang slaughter house pero wala umanong nagbabago.

"Itong tambak ng mga basura ito 'yung galing sa waste ng mga animals na kinakatay... Ang alam ko dito lang nila itinatapon pag umuulan, kumakatas 'yan," ayon kay Cecile Tolentino, opisyal ng subdibisyon. 

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Tagaytay City, naglagay na sila ng waste water treatment facility para mawala ang masangsang na amoy na mula sa dugo ng kinatay na mga hayop.

"Hindi pa nagtatagal itong treatment facility... [pero] kapag na-perfect ito makikita natin ang resulta," paliwanag ni Dr. Joselito Laguardia, opisyal na beterinaryo ng Tagaytay City. 

Nag-iispray na rin daw sila ng chlorine sa creek kung saan dumadaloy ang dumi.

May bagong tayo na rin daw na slaughter house ang Tagaytay City na malapit nang mag-operate kapalit ng inirereklamong katayan.

"Ang puwede lang namin maipangako ay magkakaroon ng mas maayos at mas moderno na slaugther house kaya medyo magtiis muna tayo," sabi ni Laguardia. --Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.