Panukalang 2019 budget lusot sa Kamara; Senado 'nainis' sa 'antala'

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2018 08:31 PM | Updated as of Sep 01 2019 03:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinasa nitong Martes sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala para sa P3.75 trilyong 2019 national budget.

Pero tila hindi natuwa ang liderato ng Senado dito dahil anila'y magigipit sila sa oras upang himayin ito bago ang bakasyon sa sesyon sa Disyembre.

Ani Senador Panfilo Lacson, vice chairman ng Senate committee on finance, baka magkaroon ng reenacted budget o pag-uulit ng 2018 budget sa 2019.

Hinala pa ni Lacson, tila may mga isinisiksik na "pork" sa budget kaya lubos itong naantala. 

"Let them suffer the consequences of their insertions. Because the reason for the delay is that there were too many insertions being made in the budget even as we speak," ayon sa senador.

Pero depensa ng mga mambabatas sa Kamara, alam ng Senado ang kanilang timeline sa pag-apruba ng budget. 

"Wala namang delay. Just to allay the fears na magkakaroon ng reenacted [budget] or we're stalling. Wala pong ganu'n. It was very clear to the leadership of the Senate last week pa na they will get the budget on time," ani House committee on appropriations chairman Rolando Andaya.

Sagot naman ni Senate President Vicente Sotto III, huwag sila ang sisihin kapag naulit ang budget sa 2018.

"We have to scrutinize. It's the people's money. We cannot be complacent or reckless on its passage, it's not our fault if we suffer a reenacted budget," ani Sotto.

Ipinangako niya ang maiging paghimay sa budget pero sa Enero na aniya ito maisasalang sa bicameral meeting.

—Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.