Higit 5,000 pasahero stranded dahil sa bagyong Samuel

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2018 03:01 PM | Updated as of Nov 20 2018 04:31 PM

Hindi makabiyahe ang ilang pasahero mula sa Pulauan Port sa Dapitan nitong Martes dahil sa bagyong Samuel. Dynah Gay Diestro, ABS-CBN News


MAYNILA- Higit sa 5,000 pasahero na ang stranded sa iba't-ibang pantalan sa bansa nitong Martes dahil sa bagyong Samuel.

Sa tala ng Philippine Coast Guard, umabot na sa 5,656 ang kabuuang bilang ng mga stranded na pasahero.

Karamihan sa mga apektadong pasahero ay mula sa Central Visayas na umabot na sa 1,538 at sinusundan naman ng 1,456 na pasahero sa Bicol, at 1,377 na pasahero mula sa Southern Visayas.

Hindi rin makabiyahe ang 508 na pasahero mula Northern Mindanao, 480 mula Eastern Visayas, at 297 mula Western Visayas.

Hindi pa rin pinapayagang pumalaot ang 204 na rolling cargo, 71 barko, at 21 motorbanca ayon kay Capt. Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG.

Ang bagyong Samuel ay ang ika-19 na bagyong pumasok sa bansa ngayong taon. Posible umanong tumama sa lupa sa bahagi ng Dinagat-Samar-Leyte ang bagyon sa Martes ng gabi ayon sa PAGASA.

Inaasahan din na magdadala ito ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Visayas, Sorsogon, Masbate, Romblon, Dinagat Islands at
Siargao islands. 

-ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.