ALAMIN: Paano malalaman na ligtas ang mga laruang pambata?

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2018 07:10 PM

Patok na regalo sa mga bata tuwing Pasko ang mga laruan, pero payo ng mga eksperto na dapat suriin ang mga ireregalo para maiwasan ang disgrasya. 

Sabi ni EcoWaste Coalition chemical safety campaigner Thony Dizon hindi dapat binibili ang laruan dahil lamang mura ito. Dapat din daw bantayan ang mga sumusunod na panganib sa mga laruan: 

  • Chemical hazard (kung may sangkap na delikadong kemikal); 
  • Choking hazard (kung may mga maliliit na bahaging puwedeng malunok); 
  • Laceration hazard (kung may matutulis na bahaging maaaring makasugat); 
  • Strangulation hazard (kung may mga bagay gaya ng tali na puwedeng makasakal); 
  • Eye injury hazard (kung may mga bahaging nakakapinsala sa mata). 

Paliwanag ng toxicologist na si Dr. Erle Castillo, nakakapinsala sa bato at utak ng bata ang laruang may tingga, o lead, lalo na kung matingkad ang kulay nito. 

"Iyong matitingkad ang kulay, minsan mataas ang lead niyan. 
Lead ay nakakaapekto sa learning ng bata, kidneys affected din," aniya. 

Sa pag-aaral ng Ecowaste Coalition, lumalabas na sa 32 sa 100 na laruan na tiningnan ng grupo ay may mga kemikal tulad ng tingga o lead. 

Importante rin, ayon kay Castillo, ang umiwas sa pagbili ng mga laruang matutulis at may maliliit na parte para hindi masugatan o bumara ang paghinga ng bata. 

Ani RichPrime Global inc. Senior Brand Manager Jobby Omnes, dapat ginagabayan ang mga magulang sa pagbili ng mga laruan. -- Ulat ni Rafael Bosano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.