8 sa 10 Pinoy tutol sa 'kawalan ng aksyon' sa West PH Sea: SWS

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2018 08:00 PM | Updated as of Nov 20 2018 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tutol ang 84 porsiyentong Pinoy sa umano'y kawalan ng aksiyon ng gobyerno sa pagtatayo ng Tsina ng instalasyon sa West Philippine Sea, ayon sa isang survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre. 

Inilabas ng SWS ang survey sa bisperas ng pagbisita ng pangulo ng Tsina na si Xi Jinping sa Pilipinas para sa kaniyang state visit

Sa resulta ng survey, sinabi ng 84 porsiyento ng 1,500 na na-survey na mali na walang gawin ang pamahalaan sa harap ng itinatayong impraestruktura at military presence sa mga inaangking teritoryo ng Tsina. 

Lumalabas din na "poor" o may -16 na net trust ang nakuha Tsina sa mga Pilipino, bagama't umakyat ito mula sa -35 o "bad" noong Hunyo. 

Nasa 71 porsiyento ng mga na-survey ang nagsabing dapat idulog ng pamahalaan ang isyu sa United Nations o ASEAN para sa mapayapang pakikipagnegosasyon sa Tsina. 

Walumpu't pitong porsiyento naman ang nagsabing mahalagang maibalik sa kontrol ng Pilipinas ang mga islang inookupa ng Tsina sa West Philippine Sea. 

Ani Stratbase Group founder Dino Manhit, patunay ito na may mga Pilipinong nagdududa sa papel ng Tsina sa ilang ayudang binibigay nila. 

“What SWS just shared this morning shows that some Filipinos might see that they're (China) not here for Philippine national interest, that they're not here to help us out so it puts that doubt on the Filipino people,” aniya sa isang panayam sa ANC Headstart. 

Para sa dating mamamahayag at propesor na si Jaime Florcruz, dapat tingnan kung paano makikinabang ang Pilipinas sa relasyon sa Tsina nang hindi isinasakripisyo ang teritoryo at mga karapatan.
 
"We should not look at our territorial conflict as the sum total of our bilateral relations.. We can set it aside... But we are not giving it up," aniya. 

Pero pinuna ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang timing at disenyo ng questionnaire partikular ang tanong na kung tama ba o hindi na pabayaan na lang ang China na panatilihin ang mga impraestruktura at military installation sa mga inaangking teritoryo. 

Dagdag ni Panelo, "misleading" ang tanong dahil pinapalitaw umano na walang ginagawa ang gobyerno sa mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea. 

“We consider the question skewed as it misleads the public to believe and suggests that the current government has not acted on China’s activities on the disputed areas in the West Philippine Sea,” aniya sa isang pahayag. 

Iginiit ni Panelo na patuloy na isusulong ng administrasyon ang pagpoprotekta ng Pilipinas sa mga inaangking teritoryo ng Tsina. 

-- May ulat ni Joyce Balancio at Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.