Pulis, isa pa timbog sa pangingikil umano sa ilang police applicant sa Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 08:34 PM

PARANG, Maguindanao - Isang pulis at kasama nito ang tiklo sa bayan na ito noong Huwebes matapos umano mangikil sa ilang police applicant sa probinsiya.

Kinilala ang mga suspek na sina Police Cpl. Harold Julaton at Janet Sarip.

Ayon kay Police Capt. Jemar Delos Santos, tagapagsalita ng Police Regional Office sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM), nangikil ang mga suspek sa ilang police applicants, partikular na ang mga may problema sa kanilang katawan na mahihirapang makapasok sa proseso ng recruitment program ng Philippine National Police (PNP).

"Apparently, they are asking money worth P25,000 [from] every applicant that they promised of a better chance of entering the service. Some applicants surfaced and expressed their willingness to testify against the two suspects," ani Delos Santos. 

"A warrant to examine computer data on the cellphones used in the transaction was also requested. [They've been] involved in this anomalous transaction for the past several years, but only this time that the PRO-BARMM Command was able to apprehend these suspects with evidence at hand," aniya.

Inamin naman ni Julaton na dati na siyang tumanggap ng pera mula sa police applicants noong 2018. Hindi lang umano siya ang nag-iisang pulis na gumagawa nito.

Itinanggi naman ni Sarip ang alegasyon laban sa kaniya pero inamin nito na dati nang nagbigay ang pamangkin ng asawa niya ng P5,000 kay Julaton para sa pag-apply sa pulisya.

"Malinis ang konsensya ko, wala akong ginagawa," ani Sarip.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang nahuling pulis habang kasong large-scale estafa naman ang isinampa laban kay Sarip.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.