P350-M pondo hiling ng DOH para sa sanitation program

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos sagutin ang "tawag ng kalikasan," sa halip na i-flush ay ibinabalot ni Grace Alonzo ang kaniyang dumi sa papel, inilalagay sa supot, at deretso sa sako sa labas ng kanilang bahay.

Ganoon ang ginagawa ni Alonzo sa loob ng higit 10 taon niyang paninirahan sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila.

Mahirap man daw ito, inamin ni Alonzo na hindi niya kayang magpatayo ng sariling palikuran.

"Sobrang hirap," ani Alonzo.

"Hiniling ko ay magkaroon kami ng sariling CR," dagdag niya.

Isa si Alonzo at kaniyang pamilya sa 7 milyong pamilyang Pilipino na, ayon sa pag-aaral, hanggang ngayon ay walang sarili at malinis na palikuran. Kalahati ng mga pamilyang ito ay nasa Metro Manila.

Ang kawalan ng sarili at malinis na palikuran ang nakikitang dahilan kung bakit bumalik ang polio, at patuloy na kumakalat ang cholera at gastroenteritis.

Sa pagdinig sa Senado ng 2020 pondo ng Department of Health (DOH), humingi ang ahensiya ng P350 milyon para sa zero-open defecation program at pagpapatayo ng mga palikuran sa mga komunidad.

Pero ayon kay Sen. Cynthia Villar, hindi pa rin ito sapat lalo at aabot ng P20,000 ang gagastusin sa kada toilet facility.

"Maghahanap tayo doon sa mga budget nila ng hindi naman importante, ilipat na lang natin sa toilet," ani Villar.

Naglabas ang DOH ng 2 administrative order na gagabay sa mga pamahalaang lokal pagdating sa pagpapatupad ng sanitation program, at tamang pagpapatayo, pag-operate, at pag-maintain ng mga poso negro.

"Alam naman po natin na marami tayong kababayan na nagpapatayo ng septic tank na hindi po tama ang design at ang nangyayari in the end, nako-contaminate ang water bodies," ani Ronald Santiago mula sa environment office ng DOH.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.