Mga employer hinimok na idaan sa ATM ang sahod ng mga manggagawa

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit 2 dekada nang construction worker si Randy Batobalonos, na marami na umanong naranasang panggugulang sa sahod.

Sa kabila nito, gusto pa rin niyang cash na nakukuha ang suweldo.

"Masasabi mo kaagad 'yong concern mo sa company, kaharap mo 'yong nagpapasahod sa'yo unlike sa ATM, hindi mo puwedeng konsultahin 'yong ATM eh," ani Batobalonos.

Inamin naman ni Maria Consuelo Pacay, direktor ng Bureau of Labor Relations ng Department of Labor and Employment (DOLE), na maraming natatanggap ang kanilang ahensiya na reklamo pagdating sa kulang na sahod.

Pero mas mahirap daw imbestigahan kapag cash basis.

"Mahirap i-check kung tama ba 'yong binabayad lalo na kung hindi siya in a form of payroll," ani Pacay sa panayam ng ABS-CBN News.

Isinusulong ngayon ng DOLE at Bangko Sentral ng Pilipinas na idaan ang sahod ng mga empleyado sa ATM para maprotektahan ang mga ito sa mga posibleng pananamantala.

Pagkakataon din daw ito para magkaroon ng savings ang manggagawa.

"If they can access 'yong formal form of banking, 'yong credit standing nila would actually improve," ani Pacay.

Pero para kay Batobalonos, malabo ang pagdaan ng sahod sa ATM dahil project based siya at paiba-iba ng employer.

Aminado rin ang DOLE na hindi mandatory sa mga employer na idaan sa bangko ang sahod ng mga empleyado nila dahil wala naman ito sa batas. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.