Mga dating miyembro ng Abu Sayyaf sumalang sa exposure tour sa Luzon

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 05:21 PM | Updated as of Nov 19 2019 05:42 PM

Nagsalo-salo ang mga dating rebelde at mga sundalo sa isang boodle fight sa Western Mindanao Command bago bumalik sa Basilan. RJ Rosalado, ABS-CBN News

Nakabalik na sa Zamboanga City ang higit 40 na dating mga bandido matapos ang limang araw na exposure tour sa Luzon.

Binisita ng mga dating miyembro ng Abu Sayyaf group ang Batasang Pambansa complex at headquarters ng Armed Forces of the Philippines sa Quezon City, Philippine Military Academy training center sa Baguio City, at isang organic farm sa Benguet.

Ayon kay Kristal Padon, Administrative officer ng Balay Mindanao, naging interesado ang mga dating bandido sa mga natutunang bagong farming technique sa Benguet na magagamit nila sa kanilang pag-uwi sa Basilan.

Karamihan sa mga dating bandido ay pagtatanim ang naging hanapbuhay para masuportahan ang kanilang pamilya.

“Nakita po ng farmers natin na mayroon pa silang magagawa na makapagtanim sila kahit na maliit ang area, kumikita, so nagkaroon po sila ng idea na gusto po namin itong gawin sa Basilan. Natutunan po nila kung paano ang pag-apply ng fertilizer, na-amaze po sila na sa maliit na area, 500 square meters, kumikita po ng P10,000 per week,” sabi ni Padon.

Ayon naman kay Maj. Alfie Alfonso, Civil Military Officer ng Joint Task Force Basilan, bahagi ito ng integration process ng mga dating bandido para tulungan sila sa kanilang pagbabalik-loob sa gobyerno at makapag-umpisa ng bagong buhay kasama ang kanilang pamilya.

Tumutulong din ang militar sa pagbibigay ng alternatibong hanapbuhay sa mga dating bandido sa tulong na din ng lokal na pamahalaan ng Basilan.

Higit 200 bandido na ang sumuko sa militar sa Basilan mula nang umpisahan ng pamahalaan ang mas pinaigting na opensiba laban sa Abu Sayyaf group.

“Malaking bagay itong exposure tour, kasi ito 'yung part sa psycho-social, kasi itong mga sumama ngayon are from different battalions, so ang trust nila noong una ay sa may hawak lang sa kanila, so ngayon makikita niyo, maaliwalas na ang kanilang mukha, 'yun 'yung epekto ng tour, nakikipag-usap na, nakikipagbiruan na,” dagdag ni Alfonso.

Bago bumalik sa Basilan ay dumaan muna sa Western Mindanao Command (Wesmincom) ang mga dating bandido, kung saan nagsalo-salo sila sa boodle fight kasama ang mga sundalo.

Paraan din ito ng Wesmincom para iparamdam sa mga sumukong rebelde na hindi dapat katakutan ang mga sundalo, bagkus dapat silang pagkatiwalaan.

Sa mga susunod na buwan, bagong batch naman ng mga dating bandido ang sasailalim sa exposure tour.

Umaasa ang militar at lokal na pamahalaan na mahihikayat din nila ang iba pang mga bandido sa Basilan na sumuko na rin sa gobyerno sa pamamagitan ng mga programang inilaan para sa kanilang pagbabagong buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.