Mga bitak nakita sa ilang paaralan sa CDO

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 06:48 PM

Nakitaan ng bagong bitak ang isang silid-aralan sa Cugman Elementary School. Angelo Andrade, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO CITY – Ilang paaralan dito sa lungsod ang nagtamo ng mga bagong bitak matapos makaranas ng Intensity IV na pagyanig dahil sa tumamang magnitude 5.9 na lindol sa Kadingilan sa Bukidnon, Lunes ng gabi.

Agad nag-inspeksiyon ang composite team ng City Disaster Risk Reduction and Management Department, Office of the Building Official at City Engineer's Office Martes ng umaga.

Isa sa mga ininspeksiyon ang Cugman Elementary School na nakitaan ng bitak sa Grade 6 classroom. 
 
May ilang bitak din sa dingding kung saan naroon ang principal's office.

Ayon sa DRRM coordinator ng eskuwelahan, wala pa ang mga bitak matapos ang mga lindol noong Oktubre.

"Last night’s earthquake, 'yun 'yung talagang naka-trigger sa mga cracks sa mga buildings," sabi ni Jesson Ryan Susmira, DRRM coordinator ng Cugman Elementary School.

Sa inisyal na assessment ng composite team, ligtas pa naman ang mga gusali ng eskuwelahan pero kailangan itong makumpuni.

Handa naman ang eskuwelahan na magsagawa ng emergency classes kung sakaling hindi muna ito ipagamit sa mga estudyante.

Maliban sa Cugman Elementary School, may napaulat ring bitak sa PN Roa Elementary School at Cagayan de Oro National High School.

Balak na ipasa ng composite team ang kanilang assessment sa mga pribadong structural engineers para kunin ang kanilang opinyon sa gagawin sa mga building na nakitaan ng bitak.

Noong nakaraang buwan, matatandaang nagkaroon ng major damage ang isang building sa Bugo National High School na hanggang ngayon ay hindi muna ipinagagamit sa mga estudyante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.