Call center supervisor, patay sa aksidente sa Cebu

Joworski Alipon, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 05:08 PM

CEBU CITY - Patay ang isang supervisor ng call center matapos na mabangga sa puno ang sinasakyang multicab sa Barangay Busay, dito sa siyudad, Martes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Roy Vincent Talamor.

Ayon sa kaniyang kapatid na si Michael, inaya pa siya ng biktima na sumama sa kaniyang lakad.

Kinabukasan, nalaman na lang niya na nasawi sa aksidente ang kapatid.

Dinala naman sa ospital ang anim na iba pang sugatang pasahero, kabilang na ang driver ng multicab.

Ayon sa hepe ng Mabolo Police na si Police Maj. Dindo Alaras, pauwi na sana ang grupo nang mapadaan sa palikong bahagi ng kalsada. Pero tumawid sa kabilang lane ang sasakyan, dumausdos papunta sa kanal, hanggang sa tuluyang nabangga sa puno.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang ibang sakay sa likod ng pick-up.

Wala namang sinisisi ang mga kamag-anak ng namatay sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.