Bahagi ng pathway sa Davao, gumuho sa lindol at ulan

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 08:23 PM

Ang magkasunod na lindol at pag-ulan ang naging sanhi ng pagguho ng bahagi ng pathway sa tabi ng ginagawang gusali sa Davao City. Paul Palacio, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Agad gumawa ng temporary perimeter fence ang mga trabahador ng isang housing developer dahil sa peligrong hatid sa mga motorista ng gumuhong bahagi ng pathway sa Buhangin, Davao City, Lunes ng gabi.

Ayon sa safety officer ng developer na si Al Cuadra, halos 60 metro ng pathway sa tabi ng itinatayong gusali sa Ponte Verde Drive, Bypass Road, Barangay Communal, ang nag-collapse matapos ang naramdamang intensity 4 sa Davao sanhi ng magnitude 5.9 na pagyanig sa Bukidnon at nasundan pa ng malakas na pag-ulan.

Batay sa assessment ng City Disaster Risk Reduction and Management Office sa Davao, walang naitalang major damage sa mga istruktura ang pagyanig nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Lyndon Leovic Ancajas, ang lokal DRRMO ng Davao, wala rin silang natanggap na report na may nasaktan sa pagyanig.

Agad naman nagsagawa ng inspection ang City Engineering Department ng lokal na pamahalaan ng Davao sa mga gusali ng gobyerno lalo't may 17 government buildings ang nakitaan ng pagbitak dulot ng sunod-sunod na pagyanig nong nakaraang buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.