7 dawit sa 'illegal recruitment' timbog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 05:19 PM | Updated as of Nov 19 2019 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng Manila Police District ang 7 tauhan ng isang recruitment agency sa Maynila dahil sa umano ay ilegal na pag-aalok sa mga Pilipino ng trabaho sa Singapore.

Higit 20 aplikante umano ang pinangakuan ng mga suspek mula APP Worldwide Recruitment Services Inc. ng trabahong waitress sa isang restaurant sa Singapore.

Ayon kay alyas "Julie," isa sa mga nagreklamo, nahikayat sila matapos makita ang advertisement ng trabaho sa Facebook dahil aabot sa S$1,500 o higit P56,000 ang sasahurin nila bilang mga waitress.

Nakapagbayad ang mga aplikante para sa kanilang medical requirements at training sa halagang P10,000 pero wala pa ring nakaalis sa kanila makaraan ang ilang buwan, dahilan para dumulog sila sa mga awtoridad.

Ayon kay "Julie," bukod sa pagsisilbi, sinabihan din daw sila na pagsasayawin sila at kailangan nilang sumunod sa kagustuhan ng mga kostumer, kasama ang pagpayag na makipagtalik sa mga ito.

"Requirement is kailangan po talaga na magaling kami mag-split dahil po magiging dancer po kami," ani "Julie."

"Kailangan po is magse-sex po," dagdag niya.

Tumanggi naman ang mga suspek sa paratang.

Patong-patong na kaso ang isinampa laban sa suspek, ani Major Rosalino Ibay, hepe ng Special Mayor's Reaction Team.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.