2 bagyo binabantayan sa loob ng PAR

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 07:27 PM | Updated as of Nov 19 2019 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos manalasa ang bagyong Ramon sa ilang parte ng Luzon, binabantayan na rin ngayon ang Sarah na naging bagyo mula sa isang low pressure area. 

Kasalukuyang nasa 120 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan ang sentro ng bagyong Ramon na napanatili ang lakas ng hangin na umaabot sa 120 kilometro kada oras (kph) at pagbugsong 165 kph. 

Halos buong araw hindi gumalaw ang bagyo dahil naipit ito sa gitna ng dalawang high pressure area at nagdulot ng matinding pag-ulan sa Northern Cagayan. 

Nasa 710 kilometro silangan naman ng Virac, Catanduanes ang bagyong Sarah, na naging tropical depression o mahinang bagyo, hapon ng Martes.

Mabilis itong kumikilos sa 35 kilometro kada oras pahilagang-silangan at posibleng tumama sa Cagayan sa Huwebes ng hapon o gabi. May banta rin itong maging tropical storm. 

Nakataas ang tropical storm warning signal number 3 sa northern Cagayan: Santa Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Calayan, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga, at Santa Ana

Signal number 2 naman ang nakataaas sa Batanes, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at nalalabing bahagi ng Cagayan. 

Nasa signal 1 naman ang Northern Isabela, kabilang ang Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfin Albano, Tumauini, Divilacan, Quirino, Roxas, Mallig, San Manuel, Burgos, Gamu, At Ilagan City, Mountain Province, Benguet, Ifugao, La Union at Pangasinan. 

Nakataas pa rin ang orange heavy rainfall warning sa Gonzaga at Santa Ana sa Cagayan, habang nakataas ang yellow heavy rainfall warning sa Babuyan Island, Camiguin Island, at ilan pang lugar sa Cagayan kabilang ang Abulug, Aparri, Ballesteros, Buguey, Claveria, Pamplona, Santa Teresita, Santa Praxedes at Sanchez Mira.

Inaasahang lalabas ang Ramon sa West Philippine Sea, umaga ng Miyerkoles at lalabas ng PAR ng Huwebes. 

Posibleng tumama ang Sarah sa Cagayan hapon o gabi ng Huwebes at posibleng maging severe tropical storm. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Dala ng pag-ulang dinulot ng bagyong Ramon, nalubog ang ilang palay sa tubig, gaya ng pananim ni Jun Beltran. 

Napilitang gumamit ng waterpump ang magsasaka para hindi tuluyang mapinsala ang mga pananim niya. 

Dalawang tulay naman sa Isabela ang hindi madaanan dala ng pag-apaw ng ilang ilog. 

Sa bayan ng Santo Tomas, umapaw ang Cansan Overflow bridge dahil tumaas ang lebel ng tubig sa Cagayan river; maging ang Casibarag bridge sa katabing-bayan ng Sta. Maria. Dahil dito, muling namangka ang mga tao papunta’t pabalik ng bahay. 

Nagbabantay naman ang awtoridad para matiyak ang seguridad ng mga residente. 

--May ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.