'Nagsasangla ng condo unit ng iba' timbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2018 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babaeng nagsasangla umano ng condominium unit gamit ang pekeng titulo.

Sa isang restoran hinuli ng mga tauhan ng NBI ang suspek na si Cristina Flores matapos tanggapin ang P150,000 mula kay alyas "Gina" para sa pagsangla ng isang condominium unit.

Natuklasang nagsisinungaling si Flores nang makitang peke ang hawak niyang titulo sa condo.

Nagmakaawa si Flores dahil nasunugan daw siya ng bahay kaya nagawa ang krimen.

"Wala akong tirahan tapos wala pang trabaho 'yong mga kasama mo sa bahay," ani Flores.

Pero ayon sa biktimang si "Gina," lumang tugtugin na raw ang paliwanag ni Flores.

Matapos daw magbayad ni "Gina" ng P150,000 downpayment kay Flores, ilang retrato na raw ng burol ang pinadala nito para maawa siya at magbigay pa ng pera.

Pati retrato ni Flores at ang anak daw niyang may sakit na nanganailangan ng pang-ospital ay pinadala rin kay "Gina."

Subalit nalaman ni "Gina" na gawa-gawa lang daw ang ilan sa mga kuwento ng suspek.

"Nakakainis kasi ginagamit niya 'yong iba. Bakit niya kailangan gamitin 'yong family niya sa ganyang bagay?" ani "Gina."

Muli namang nagpaalala si Irvin Garcia, hepe ng NBI Anti-Fraud Division, na huwag agad maniwala sa mga katransaksiyong nakilala lang sa Facebook, gaya ni Flores.

"Hindi ka nakakatiyak kung sila 'yong totoong tao na kausap mo," ani Garcia.

Ikinulong si Flores sa kasong estafa. --Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.