3 opisyal ng DSWD, sinibak ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2018 01:18 PM

Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlong undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kinumpirma ngayong Lunes ng Malacañang.

Sa isang text message, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na tanggal na sa puwesto sina Undersecretary for Promotive Operations and Programs Group Maria Lourdes Turalde Jarabe, Undersecretary for Protective Operations and Programs Mae Ancheta-Templa, at Undersecretary for Disaster Response Management Group Hope Hervilla.

Nilinaw naman ni Medialdea na walang kinalaman sa pagiging makakaliwa ng tatlo ang kanilang pagkakasibak at ito ay para lang daw sa pagbuo ng mas mabuting team sa DSWD.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng DSWD na Nobyembre 14 pa nang umalis sa puwesto ang tatlong opisyal.

Noong Biyernes, nagbanta si Duterte na may sisibakin siyang opisyal ng gobyerno kapag nakabalik na ng bansa mula sa mga pulong sa ibang bansa.

-- May ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.