Pamamahagi ng contraceptives sa health centers, itutuloy

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2017 12:03 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Itutuloy ang pamamahagi sa mga health center ng mga implant na mag-e-expire na sa Setyembre 2018 matapos sertipikahan ng Food and Drug Administration ang 51 contraceptives bilang 'non-abortifacient' o hindi nakakalaglag ng ipinagbubuntis. 
    
Mag-e-expire na sa Setyembre 2018 ang ilang implants kaya tuloy-tuloy ang pagde-deliver ng Department of Health (DOH) sa mga health center para magamit na agad. 

Ubos na naman ang suplay ng DOH ng progestin-only pill habang abot na lang ng anim na buwan ang suplay ng injectable.

Problema nga lang dahil mayroon pa ring ayaw gumamit ng contraceptive dahil hindi sila nagkakaroon ng dalaw pero hindi naman ito masama ayon sa mga eksperto. 

"Misconception na ‘yung dugo naiipon sa katawan, hindi ‘yun totoo... Actually, hindi ka nag-o-ovulate so hindi kumakapal ang matres, walang dugong ilalabas,” ayon kay Dr. Juan Antonio Perez III.

Nagbabala naman si Sen. Tito Sotto sa ginagawang distribution ng contraceptives ng DOH.

“Kailangan i-clarify natin sa Supreme Court ‘yan. ‘Yan ba automatic kapag dineklarang ganoon e automatic lifted ‘yung TRO [temporary restraining order]?” ani Sotto.

Dumipensa naman sina Health Secretary Francisco Duque III at ang principal author ng Reproductive Health Law na si Rep. Edcel Lagman.

"We respect the opinion of Sen. Sotto. But there is a law which the executive branch is mandated to execute,” ani Duque.

"The Supreme Court said, and I quote, 'after compliance with due process and upon promulgation of the decision of the Food and Drug Administration the temporary restraining order will be deemed lifted if the questioned drug and devices are found not abortifacient,'" ani Lagman.

Naglaan ang DOH ng P4.3 bilyon para sa implementasyon ng Responsible Parenthood and Reproductive Health sa 2018. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.