Suplay ng tubig sa ilang lugar sa Navotas naibalik na

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2019 12:59 PM

Naibalik na ang suplay ng tubig sa ilang barangay sa Navotas City nitong madaling araw ng Linggo kasunod ng water interruption na nag-umpisa noong Biyernes na napalawig ng nasirang tubo.

Bandang alas-4 ng madaling araw nang muling magkaroon ng tubig sa mga barangay ng North Bay Boulevard, Longos, at Bangkulasi.

Dahil dito, nakaramdam ng bahagyang ginhawa ang mga residente sa mga nasabing barangay.

"Maghapon kaming nag-abang ng tubig kahapon," anang residenteng si Delia Pangasian.

"Kaninang 5 a.m. nagkatulo na rin pero patak-patak lang. Sana lumakas na ang tulo kasi ang mga uniform ng mga bata tambak na," dagdag niya.

"Napakahirap talaga [mawalan ng tubig], 'di namin alam ano'ng gagawin namin," kuwetno naman ni Jocelyn Castillano.

Mula alas-4 ng hapon noong Biyernes hanggang ala-1 ng madaling araw noong Sabado lang sana mawawalan ng tubig sa mga nasabing barangay dahil sa mainteance activity ng Maynilad sa kanto ng C3 at Dagat-Dagatan.

Pero aksidenteng natamaan ng contractor ang tubo kaya humaba ang oras na nawalan ng tubig, sabi ng Maynilad. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.