Psychosocial support, ibinigay sa mga batang na-trauma sa lindol sa Cotabato

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2019 08:40 PM

TULUNAN, Cotabato - Dahil sa trauma mula sa sunud-sunod na lindol sa Mindanao, kinailangang bigyan ng psychosocial support services ang mga mag-aaral ng Tulunan bago sila magbalik sa eskwela.

Nitong Linggo, nagbigay ng suporta ang Center of Psychological Extension and Research Services ng Ateneo De Davao University sa mga bata sa Tulunan para tulungan silang malimutan ang takot na idinulot ng mga lindol .

Isa ang kanilang paaralan sa malubhang nawasak ng lindol nitong Oktubre 29 kung saan may guro at mag-aaral din ang nasugatan dahil sa mga nahulog na debris mula sa gumuhong mga gusali.

Nag-enjoy ang mga bata sa magic show, at may kantahan at sayawan. May storytelling din at mga papremyo gaya ng mga chocolates, candies at school supplies.

"At least mawala na iyong pag-aalala at takot ng mga bata, mapalitan na ng ngiti ang mukha nila," sabi ng inang si Leah Mae Alinsunurin.

May libreng medical check-up at gamot rin para sa mga mag-aaral.

Ayon sa psychologist na si Mary Grace Suarez, ikalawang round na ito ng kanilang aktibidad, at magpapatuloy ang kanilang suporta sa mga bata hanggang sila ay tuluyang makarekober.

"As you can see they are already smiling. Basta they were within the groups mas madali kasi silang maka-cope up and maka-move on, that's the good thing sa mga children, they are really okay with expressing, nakiki-join na rin sila with the activity," aniya.

Bago umuwi ang mga bata, nagsalo-salo muna sila sa pagkaing inihanda ng Operation Sagip ng Lingkod Kapamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.