Nigerian tiklo matapos mangikil umano ng P8M sa nakarelasyon sa Cavite

April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2019 02:18 PM

Kuha ng Calabarzon PNP

Isang Nigerian ang inaresto noong Biyernes matapos mangikil umano ng P8 milyon mula sa nakarelasyon niya sa Trece Martires City, Cavite.

Kinilala ang suspek na si Chimaobi Michael Orjianya, 29, na tumitira sa Dasmariñas City.

Ayon sa pulisya, nagkaroon ng relasyon online sina Orjianya at ang biktima. 

Nakikilan umano ni Orjianya ang biktima ng aabot sa P8 milyon kapalit ng paparating na bagahe niya na may lamang $28 milyon. 

Natimbog si Orjianya matapos mahuli ang kaniyang "money mule" na si Rosevic Saraum, na nakipagtulungan sa pulisya.

Nakumpiska kay Orjianya ang isang ATM card na nasa pangalan ni Saraum, dalawang cellphone, apat na sim card, dalawang ID, at aabot sa P400,000 cash.

Haharap sa kasong estafa o swindling ang Nigerian. 

Nahaharap din ang suspek sa ilang paglabag kaugnay ng ilegal na pamamalagi sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.