SAPUL SA CCTV: Pandurukot sa pension ng lola sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2017 07:40 PM

Mangiyak-ngiyak ang ginang na si Marilou Luistro, 60 anyos, matapos madekwat lamang ang pera niyang matagal na hinintay.

Nakuhanan pa ng CCTV ng isang department store sa Candelaria, Quezon ang ginawang pagdukot ng mga salarin sa pera ni Luistro.

Unang makikita ang pagpasok ng mga suspek na isang lalaki at isang babae.

Ilang saglit pa habang nakapila sa cashier ang biktima na may kasamang bata, makikitang nasa likod nito ang babae at may hawak na sombrero ng Santa Claus na ginagamit nitong pantakip.

Sa puntong ito umikot sa unahan ang lalaking suspek at pinagitnaan nila ang biktima.

Makaraang maisagawa ang krimen, mabilis na tumakas ang dalawa tangay ang P10,000 ng biktima na nakalagay sa kaniyang shoulder bag.

Ayon kay Luistro, pension pa niya buhat sa retirement ang natangay ng mga kawatan. 

Nananawagan naman ang Candelaria Police sa mga nakakikilala sa mga suspek na ipagbigay alam agad ang impormasyon sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.