Mga natutulog na pulis habang duty paano mananagot?

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2019 02:30 PM


MAYNILA — Hindi na bago ang mga balita tungkol sa mga pulis na pabaya sa trabaho at minsan pa ay natutulog habang may duty. 

Ayon sa abogadong si Claire Castro sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM, maituturing itong "neglect of duty" sa panig ng mga pulis, na dapat ay nakaalerto dahil sila ang tagapaniguro ng seguridad ng mga sibilyan. 

"Wala ka ring silbi kasi tulog ka eh kung may mangyaring holdapan sa kanto at tulog ka, hindi mo masasagip iyong naholdap," ani Castro. 

Alinsunod ito sa 2007 Philippine National Police (PNP) Disciplinary Rules of Procedure, kung saan pasok sa "neglect of duty" ang pagtutulog sa gitna ng duty. 

Paliwanag pa ng abogado, maaari namang maghain ng leave sakaling may hindi mabuti ang pakiramdam ng pulis. 

Babala o suspensiyon ang makukuha ng mga natutulog na pulisya sa unang pagkakataon na mahuli ang mga ito. 

Kapag naman inulit ang nangyari, posibleng ma-dismiss sa puwesto ang mga ito. 

Pero ayon kay Castro, depende naman daw ang parusa kung katanggap-tanggap ang rason ng mga pulisya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.