Ilang barangay sa Navotas, mahigit 1 araw na walang suplay ng tubig

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2019 08:25 PM | Updated as of Nov 16 2019 10:42 PM

MAYNILA (UPDATE)—Mahigit 24 oras o isang araw nang walang suplay ng tubig ang ilang barangay ng Navotas matapos magkaroon ng water interruption ang Maynilad sa lungsod nitong Biyernes.

Mula alas 4 ng hapon ng Biyernes hanggang ala 1 ng madaling araw
ng Sabado lang dapat ang water interruption, partikular sa North Bay Boulevard, Longos at Bangkulasi.

Ayon kay Jennifer Rufo, head ng Maynilad corporate communications, aksidenteng natamaan ng kanilang contractor ang tubo nila habang-daan ng C3.

"We had to shut down the water supply in the primary line to do the repairs. This is why the scheduled service interruption in portions of Navotas, Caloocan and Malabon had to be extended, and some portions of Balut, Tondo also got affected," aniya.

Babalik umano ang suplay ng tubig sa mga apektadong lugar alas 2 ng umaga Linggo, Nob. 17.

Nag-abiso Biyernes ang Maynilad sa social media na may emergency water interruption sa ilang barangay sa Navotas, Caloocan at Malabon dahil sa maintenance activity sa C3 kanto ng Dagat-Dagatan sa Caloocan.

Nagkukumahog ang mga residente kung saan pa kukuha ng tubig para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Giit ng ilang mga residente, wala halos nagrarasyon ng tubig sa kanila. Ang mga bumbero, hanggang bungad lang at hindi naaabot ang mga nakatira sa dulo.

Kulang naman ang rasyon mula sa Maynilad, ayon sa barangay.

Napilitan naman ang ilang bumili ng mineral water para makapaghugas man lang ng plato o makapagsaing.

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.