7 dayuhan arestado sa tangkang pagdukot umano sa kapwa banyaga

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2019 09:48 AM | Updated as of Nov 16 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Huli ang anim na lalaki at isang babae na sinasabing mga Chinese sa tangkang pagdukot umano sa dalawang dayuhang magkasintahan sa Sta Cruz, Maynila nitong Biyernes.

Ayon kay Manila Police District Director Police Brig. Gen. Bernabe Balba, papasok sana sa isang hotel ang lalaking Chinese at Taiwanese na babae pero fully booked na kaya nag-abang sila ng masasakyan para lumipat sa ibang hotel.

Biglang may pumarada umano na van at may dalawang lalaki na pinipilit silang ipasok sa sasakyan.

Napansin ng guwardiya at mga residente ang pangyayari at nakatawag sila ng pulis. Naisalba ang dalawang biktima at nagkulong sa van ang mga suspek hanggang sa kinausap na sila ng mga pulis para lumabas ng van.

Nahuli ang pitong nasa loob ng van na walang dalang passport.

Ayon sa mga biktima, hindi nila alam kung bakit sila pinupuwersang ipasok sa sasakyan, pero nakatrabaho umano nila dati ang mga suspek sa online casino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.