Marami sa biktima sa rape cases vs mga pulis: detainee, kaanak

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2018 09:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umabot na sa 30 kasong rape na kinasasangkutan ng 42 mga pulis ang isinampa ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) mula noong 2015, ayon sa datos na nakalap ng ABS-CBN News.

Pinakamarami ang naitala noong 2017 na may 15 kaso, habang hindi pa man natatapos ang 2018 ay nasa siyam na pulis na ang nakakasuhan.

Kasong rape na isinampa ng PNP-IAS vs mga pulis

  • 2018 - 9
  • 2017 - 15
  • 2016 - 4
  • 2015 - 2

Total: 30 rape cases

Ayon sa PNP-IAS, marami sa mga biktima ng mga pulis ay mga babaeng detainee o kamag-anak ng nakakulong.

"Vulnerable 'yung mga naka-detain natin lalo na sa kababaihan. Meron namang ibang kaso diyan, 'yung mga dalaw, mga anak ang nabibiktima kase at the mercy ito pong naka-detain," ani Atty. Alfegar Triambulo, inspector general ng PNP-IAS.

Sa 42 pulis na kinasuhan, 14 na ang nasisibak sa serbisyo.

Sa mga sangkot, pinakamataas ang ranggong superintendent ngunit pinakamarami ang PO1, at sumusunod ang PO2.

Pinakamaraming naitalang kaso ng rape sa Region 3, sumunod sa Metro Manila, Calabarzon, at Zamboanga Peninsula.

Nahalungkat ang datos matapos pumutok ang sunod-sunod na ulat ukol sa pang-aabusong seksuwal ng mga pulis, pinakahuli ang isa umanong policewoman na ginahasa ng kapwa pulis sa Puerto Princesa, Palawan noong Nobyembre 12.

Nobyembre 3 naman ay inireklamo ng isang babaeng hinuli dahil sa pagsusugal ang panggagahasa umano sa kaniya sa loob ng police mobile ng dalawang pulis ng Quezon City Police District (QCPD) station 4 kapalit ng kaniyang kalayaan.

Noong Oktubre din, isang 15 anyos na dalagita ang nagreklamo ring ginahasa at tinakot umano ng pulis matapos hulihin ang kaniyang mga magulang sa kasong drugs.

—Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.