'Protest art' sa Lagusnilad, maituturing bang bandalismo?

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 05:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kamakailan ay kinondena ng local government unit (LGU) ng Maynila ang pagpipinta ng ilang leftist groups ng kanilang hinaing sa Lagusnilad Underpass - na itinuring na "bandalismo" ng LGU. 

Dito humingi ng paumanhin ang grupong Panday Sining, pero iginiit nilang "art protest" ito. 

Para sa abogadong si Noel Del Prado, may naging paglabag ang grupong nasa likod ng pagpipinta lalo't pampublikong lugar ang pininturahan nila. 

Paliwanag niya, bagaman protektado ang mga art protest ng freedom of speech, hindi maikakailang pampublikong lugar ang sinulatan ng mga protest art. 

"Ito ay hindi naman lugar na karaniwang nilalagyan ng sining. Ito (Lagusnilad) ay pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Maynila," ani Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM, Huwebes.

"Kung iyan ay private property kailangan mong magpaalam. Sa isang pampublikong lugar, kailangan mong humingi ng permiso mula sa lokal na pamahalaan." 

Dapat aniyang "nasa tamang lugar" ang pagpipinta, bagama't maituturing na "protected speech" ang ginawa ng grupo. 

Sakop ng protected speech ang lahat ng uri ng literatura, maliban na lamang kung hinihimok nito ang pag-aaklas laban sa gobyerno o mayroon itong paksang nakakabastos, ayon kay Del Prado. 

Depende sa ordinansa ng mga lungsod ang mga ipapataw na multa sa sinumang mahuhuling gagawa ng bandalismo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.