Fetus, itinapon sa drainage sa iskinita ng barangay

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 11:03 AM

Inalayan ng huling basbas ang fetus na babae at binigyan din ng disenteng libing sa public cemetery sa Albay. Larawan mula sa Legazpi City Police

LEGAZPI CITY –Laking gulat ng mga residente ng Barangay Em’s Barrio sa Legazpi City ang pagkakadiskubre sa isang fetus na itinapon sa drainage ng kanilang iskinita, Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, ang kasamahan nilang si Staff Sergeant Randy Mendez ang unang nakakita sa fetus sa labas ng kanilang bahay.

Nakita umano ni Mendez ang isang pusa na may hinihilang plastic mula sa drainage. Nang kaniyang lapitan, dito niya nakitang fetus pala ang laman ng plastic.

Tinatayang nasa pitong buwan na ang fetus na isang babae. May buhok at buo na ang bahagi ng katawan nito, ayon sa pulisya.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang ina ng sanggol na posibleng maharap sa kasong infanticide.

Inalayan na ng misa at binigyan na ng disenteng libing ang fetus sa public cemetery sa Albay.

Panawagan naman ng simbahan, lalo na sa mga kababaihang nagbubuntis, na irespeto at pahalagahan ang buhay ng mga dinadalang sanggol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.