1 barangay sa Cagayan, isolated matapos ang landslide

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 11:15 AM

STA. ANA, Cagayan - Natabunan ng lupa ang isang bahagi ng kalsada ng barangay Patunungan sa bayang ito, Biyernes, matapos gumuho ang ilang parte ng bundok dahil sa mga pag-ulan.

Dahil dito, isolated ang barangay at hindi makadaan ang mga sasakyan papasok at palabas ng barangay. 

Ayon sa mga awtoridad, hindi rin maaaring maglayag dahil malakas pa ang alon. 

Ayon kay Atanacio Macalan, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Cagayan, susubukang linisin ng DPWH at lokal na pamahalaan ang mga gumuhong bato at putik para madaanan na ang kalsada.

Wala namang napaulat na nasaktan sa insidente.

Isa ang Cagayan sa mga probinsya na inaasahang tatamaan ng papalapit na bagyong Ramon.

Tinataya ng PAGASA na sa Linggo ng gabi o Lunes ng umaga magla-landfall ang bagyo dito sa probinsya.