Paglala ng EDSA traffic sinisi sa Christmas shopping, pagdami ng kotse

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2018 07:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lalong bumigat ang daloy ng trapiko sa EDSA dahil sa pamimili ng mga tao sa malls para sa Pasko at pagdami na rin ng mga sasakyan sa Kamaynilaan, sabi ngayong Huwebes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, bukod sa Christmas shopping, pagdami ng bilang ng mga sasakyan ang isa pa sa mga dahilan kung bakit bumigat nang 10 porsiyento ang trapiko sa EDSA.

Kada taon, ani Garcia, halos kalahating milyong bagong sasakyan ang nadadagdag, at 30 porsiyento nito o 150,000 ay nasa Metro Manila.

"Nadadagdagan ng sasakyan eh. Akala nila 'pag may scheme ang MMDA, luluwag o nababawasan. Hindi eh kasi nadadagdagan din ang sasakyan," ani Garcia.

Ayon pa kay Garcia, hindi porke nagsikip pa rin ang trapiko ngayong Nobyembre, nangangahulugang palpak ang ipinatupad nilang pagbabago ng oras ng pagbubukas ng mga mall.

Mula Nobyembre 5 hanggang Enero 14, alas-11 ng umaga na magbubukas ang mga mall.

"'Yong one hour na 'yan napakalaking diperensiya niyan," depensa ni Garcia.

Bukod sa bagong oras ng mga mall, pinaigting na rin umano ng MMDA ang kampanya nila kontra illegal parking para magamit ang lahat ng mga daan.

Hinikayat din ni Garcia ang mga mamimili na planuhing mabuti ang pagpunta sa mga mall.

Kung mayroon naman daw mall na malapit sa mga bahay, doon na lang daw mamili sa halip na makipagsiksikan sa EDSA. --Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.