P600,000 halaga ng 'shabu', nasabat sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2018 04:52 AM

MAYNILA - Nasabat sa buy-bust operation sa Parañaque City Miyerkoles ng gabi ang nasa P600,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Nahuli rin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang magkumpare na umano'y sangkot sa pagtutulak.

"Under surveillance itong grupong ito, malaking sindikato. Allegedly, ang drug dealer is a Chinese," ani ng isang NBI agent.

Narekober din sa mga suspek ang ilang ID at badge na ginagamit umano para magpanggap na mga pulis.

Ayon sa isang suspek, pinadala lang sa kanila ang mga pakete. May porsyento raw siyang P5,000 kada isa.

"Hindi raw 'yun shabu... Magki-Christmas kasi, para magkapera," aniya.

Depensa naman ng kaniyang kumpare, nadamay lang siya at naayang sumama mula Tanza, Cavite para mag-deliver sa Maynila.

"Gulat na gulat po ako. 'Di ko rin po alam," aniya.

Ayon naman sa NBI, malakihan kung magsuplay ng droga ang grupo na umaabot ng 50 kilo kada transaksiyon.

Nagbabagsak umano sila sa Parañaque at Pasay.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.