6 babaeng pa-Korea, nasagip sa 'human trafficking'

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2018 03:18 PM

Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na hinihinalang biktima ng human trafficking na papunta sanang South Korea dala ang mga pekeng dokumento, sabi ngayong Huwebes ng ahensiya.

Ayon kay Immigration Port Operations Division chief Grifton Medina, naharang noong Nobyembre 8 sa Clark International Airport ang anim na biktima, na pawang mga babae, bago sila makasakay sa eroplanong papuntang Incheon.

Base sa paunang imbestigasyon, ni-recruit ang mga babae para magtrabaho bilang entertainer sa South Korea at may hawak din silang entertainer's visa na ibinigay ng Korean embassy.

Pero napag-alamang peke ang mga ipinakita nilang Overseas Employment Certificates. Hindi rin umano tugma ang mga detalyeng nakasaad sa kanilang mga dokumento sa kanilang mga rekord na nasa database ng BI.

Ayon daw sa mga biktima, isang "Mercy" na taga-Cavite ang nagproseso ng kanilang mga dokumento.

Nasa kustodiya na ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang mga biktima para isailalim sa imbestigasyon at mabigyan ng tulong, sabi ni Medina.

Dahil sa insidente, inalerto ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang mga tauhan ng BI sa lahat ng international ports sa bansa ukol sa modus ng sindikatong nambibiktima umano sa mga babaeng nais magtrabaho sa Korea.

Ayon kay Morente, hindi sila papayag na maulit ang mga dating pambibiktima sa mga Pinay, kung saan inalok ang mga ito ng trabahong entertainer subalit nauwi sa prostitusyon.

"Our duty is to protect Filipinos who are vulnerable to being tricked by this scheme [Tungkulin naming protektahan ang mga Pilipino na posibleng maloko sa modus na ito]," sabi ni Morente.

--May ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.