TINGNAN: Ilang mag-aaral hinimatay sa quake drill sa Cebu

Annie Fe Perez, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 10:56 AM

Agad nilapatan ng lunas ang mga mag-aaral na nahilo at nanikip ang mga dibdib habang nagsasagawa ng earthquake drill sa Talisay City Central School sa Cebu. Annie Fe Perez, ABS-CBN News

Hinimatay ang ilang mag-aaral ng Talisay City Central School sa Cebu habang nagsasagawa ng simultaneous earthquake drill, Huwebes ng umaga.

Napili ang naturang paaralan na may mahigit 1,000 mag-aaral bilang model area para pagdausan ng earthquake drill sa Central Visayas.

Pero habang naghihintay ang mga estudyante na matapos ang rescue operations sa drill, nagreklamo ang ilan na sumasakit ang ulo nila at naninikip ang dibdib.

Agad naman silang binigyan ng medikal na atensyon. 

Dalawa ang dinala sa Talisay City District Hospital at 5 naman ang pinagpahinga muna sa klase.

Ayon kay Neil Sanchez, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, nangyari ito dahil sa matinding init.

Dagdag ni Sanchez, pipiliin na lang nila ang mga puwedeng sumali sa susunod na mga drill. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.