Nakunan dahil sa hiya: Mga sinindak ng lending apps nagreklamo sa NBI

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 06:26 PM | Updated as of Nov 14 2019 07:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inireklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang online lending applications matapos umanong takutin at pahiyain ang mga biktima nito na na-delay sa pagbabayad ng utang. 

Nitong Huwebes ay nagsama-sama ang 24 complainants sa NBI Cybercrime Division kung saan tinalakay nila ang ginawang pananakot, paninindak, at panghihiya ng online lending apps. 

Si Airien Evangelista, aminadong lumagpas nang 1 araw sa due date sa pagbabayad ng utang na P3,000.

Pero nagulantang si Evangelista nang biglang nag-text blast daw ang app sa lahat ng kaniyang contacts.

"Sobra-sobra ang kahihiyan ko kahit sa mga taong hindi ko kilala na nasa contacts ko, tinawagan ako. Magnanakaw daw ako at makapal ang mukha ko," ani Evangelista. 

Si Karen Badang naman, na nasa kalagitnaan daw ng maselan niyang pagbubuntis, ay hindi umano tinantanan ng tumatawag na kolektor ng utang. 

Sa kabila raw ito ng kaniyang pangako na babayaran ang utang matapos magpa-check-up.

"Na-stress ako [at] nagka-depression, 'yun na rin ang dahilan kung bakit ako nakunan. Bago ako pinasok sa ospital, nasa bahay ako at dinudugo na. Sa P7,560 na nahiram ko sa isang app, sobrang binastos ako ng agent. Pinagbayad ako ng P19,000 [dahil sa] 8 days overdue, sobrang laki ng interes," kuwento ni Badang.

Bagama't marami nang nabiktima ang mga naturang app, ayon sa NBI ay wala pang legal na basehan para ipasara ang mga ito.

Ito ay dahil pumayag ang mga biktima sa patakaran ng app. 

"Unang-una i-check kung legit na lending company 'yung lending apps. Basahin mabuti kung may mga hiddem charges," paalala ni NBI Cybercrime Division agent-on-case Kelvin Caoili.

Sa kabila nito, kakasuhan ang mga nagpapatakbo ng apps ng threat in relation to Anti-Cybercrime Prevention Act dahil sa mga pagbabanta. 


—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.